[HOMILIYA] Barya ng katotohanan
MANILA— Narito ang homiliya ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan para sa Biyernes Santo, ika-15 ng Abril 2022, sa San Roque Cathedral:
Mukhang tinamaan si Pilato sa sinabi niya. Biglang naging defensive siya. Sabi niya, “Ano ba ang katotohanan?” (Jn 18:38) Nasabi ko na sa inyo sa mga nakaraang araw na alam din naman ni Pilato ang katotohanan; ang problema lang ay hindi niya ito mapanindigan, kaya siya naghugas-kamay.
Alam niyang hindi totoo ang mga akusasyon laban kay Hesus—na siya ay kasabwat ng mga rebeldeng grupo na gustong magpabagsak sa kapangyarihan ng Roman empire sa mga Hudyo. In short, na-redtag siya. (Noong kasagsagan ng EJK, drug-tagging naman ang uso.)
Siguro kaya Red ang kulay ng Biyernes Santo. Paalala din ito na ang ikinamatay ni Hesus sa krus ay red-tagging. May kinalaman sa pulitika, masamang klaseng pulitika. Hindi naman masama ang pulitika mismo. Tulad ng madalas sabihin ni Pope Francis—ang pulitika ay mahalagang sangkap ng lipunan para sa ikabubuti ng nakararami, hindi ng iilan. Nagiging masama lang ang politika kapag hinahayaan natin na mapasakamay ito ng mga taong hindi ang “common good” ang hangarin kundi pansariling mga interes o kapakanan.
Isa na yata sa pinakamatandang stratehiya ng mga tiwaling pulitiko ay ang pagrered-tag. Katulad ng nauuuso na naman ngayon. Tingnan mo yung katulad ni Doc Naty. Siyempre dahil napakatalino at napakagaling na duktor, dahil titulado, mataas ang credentials at pwedeng yumaman sa pagduduktor, suspetsado kaagad siya porke’t pinili niyang sa mga dukha sa mga liblib na baryo magsilbi bilang duktor. Sabi nga ng isang madre, “Ba’t ba ganyan, porke’t nagsi-serve sa mga dukha, komunista kaagad? Di ba pwedeng ‘Kristiyano’ muna?”
Ganyan din ang pagrered-tag na ginawa kay Hesus. Organizer daw kasi siya ng mga poor fishermen sa Galilea, naglalagi pa siya sa mga liblib na lugar tulad ng mga disyerto at bundok, at related pa siya sa isang kilalang aktibistang propeta na si Juan Bautista at maanghang din magsalita. Ayun, subersibo daw.
Kaya nilagyan siya ng karatula sa ibabaw ng ulo niya nang ipako siya sa krus. Isinulat pa daw sa tatlong linggwahe ang paratang laban sa kanya para maintindihan ng marami: sa Hebreo, Latin at Griyego. Parang babala: Huwag pamarisan kung ayaw n’yong mangyari din ito sa inyo. Ang INRI ay walang ipinagkaiba sa mga isinasabit din noon ng mga nakabonnet na pumapatay sa mga nasa listahan ng drug watch list. Siyempre, pag nakita ang karatula—tatahimik na lang ang tao at sasabihin—okey lang siguro, tutal salot naman ng lipunan ang pinatay.
Ayon sa mga ebanghelista alam naman ni Hesus na ito ang pwedeng maging kahihinatnan niya kung gagayahin niya ang mga sinaunang propeta, kung siya’y magsasalita tungkol sa katotohanan. Ang pinsan nga niyang si Juan Bautista, dahil hindi mapatahimik ang bibig niya, pinapugutan siya ng ulo ng gobernador na si Herodes. Delikado pala talaga ang maging alagad ng katotohanan. Mayroong kasing masasaktan o masasagasaan.
Ano ba ang katotohanan? Tanong ni Pilato? Tanong na hindi na naghintay ng sagot. Parang may kaunti pang natitirang integridad sa kanya noong lumabas siya at humarap sa mga nagpaaresto kay Hesus. Kumbaga sa Piskalya, sinabi niya na wala siyang makitang “probable cause” para bitayin ang taong ito. “Baka naman makukuntento na kayo kung ipapahagupit ko na lang siya?” Pero hindi e; kamatayan talaga ang gusto nila para sa kanya.
Mabigat daw ang loob ni Pilato. Mukhang kumbinsido ang mga tao sa sarili nilang katotohanan at desidido sila na palitawing si Hesus ang tunay na tulisan imbes na si Barabas. Noong panahon na nagsisimula pa lang at sumisikat ang pulitika ng mga Nazi sa Germany, sinabi daw ng propagandista ni Hitler na si Goebbels, “Ang kasinungalingan, kapag inulit mong minsan ay kasinungalingan pa rin. Pero ulitin mo nang libong beses nagiging katotohanan ito.” Mas lalong nagiging totoo ito sa panahon ng social media. Di ba mas mabilis magviral ang fake news kaysa sa totoo? Tanungin mo ang mga Russians kung totoo bang may giyera sa Ukraine, sasabihin nila, “Propaganda lang iyan.”
Kaya daw pala ang bilis nakuha ang boto ng nakararami sa korte ni Pilato. Naidaan kasi sa lakas ng sigaw. Pinagkaisahan nila ang hindi totoo. Kaya pati si Pilato, na-pressure na pagbigyan na lang sila. Ganoong tipo naman ng tao ang hanap ng Roman empire na mamuno sa bayan nila—iyung tipong magpapakatuta sa kanila. Iyung tipong magsasabing, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan hindi ka kaibigan ng Roman emperor.” Kaya biglang natakot si Pilato na baka makalaban pa niya ang mga ito at mawalan siya ng kapangyarihan. Malakas talaga ang hatak ng pera at kapangyarihan.
Kahapon nabasa ko ang ibinigay na homiliya ng Heswitang pari na dating presidente ng Ateneo de Manila tungkol sa hatak ng pera. Ang focus ng reflection niya ay ang tatlumpung pirasong pilak na ibinayad kay Hudas. Iyun lang daw ang kapalit na presyo ng ating kaluluwa at pagkawala ng pag-asa. Hanggang ngayon marami pa rin daw ang mga manggagantso na mahusay magkamit ng kapangyarihan sa pamamagitan ng tatlumpung piraso ng pilak.
Nasisikmura nila na ibulsa ang tatlumpung pirasong pilak, basta’t ang katuwiran ay—nabibigyan naman nila ng kaunting barya ang mga mahihirap. Sasabihin nila, “Bakit, ako lang ba ang gumagawa nito? Ito naman talaga ang kalakaran, di ba?” Kaya malakas ang loob nilang sumagot sa Panginoon na nakakakita ng lahat, “Hindi naman siguro ako, di ba, Panginoon?”
Ikinuwento rin ni Fr. Jett na minsan habang nasa traffic siya, kinatukan ng isang batang babaeng nagbebenta ng sampaguita ang bintana ng kotseng minamaneho niya. Tinuro daw ni Fr. Jett sa bata ang mga bulaklak na nakasabit na sa may rearview mirror ng kotse, para sabihin, “Thank you, anak, may bulaklak na ako e.” Pero nangulit pa rin ang bata. Kaya dumukot siya ng ilang pirasong barya para ibigay sa bata. Hindi na niya binilang ang barya. Binigyan daw siya ng bata ng dalawang tali ng sampaguita, at pagkatapos, isinauli ng bata ang isang barya. Sabi daw ng bata, “Sobra po ang binigay ninyo, may sukli pa kayo.”
Ang lakas daw ng dating kay Fr Jett ng pagsosoli ng bata ng kapirasong barya na wala namang kuwenta sa kanya. Sabi niya, “Ito’y barya ng katotohanan. Barya ng katapatan. Isang maliit na barya mula sa puso ng bata na kahit dukha ay may integridad. Isinosoli para ipaalala sa atin na may napapako sa krus kapag nagpasilaw tayo sa tatlumpung pirasong pilak.”
Naisip daw ng pari ang tindi ng halaga ng kapirasong baryang iyon. “Sapat na para bilhin ang tunay na mahalaga—prinsipyo sa buhay. Bilhin ang pagkamuhi sa pandaraya ng mga taong nagpapasasa sa hindi nila pinagpaguran, dahil madali lang naman ang mangulimbat mula sa pinagpawisan ng mga taong tunay na nagtatrabaho.”
Kapirasong barya daw na “kayang bumili ng lakas-ng-loob. Dahil importante ang katapangan para harapin ang mga halang-ang-bituka dito sa mundo, mga tipong kayang magsinungaling na hindi kumukurap para lang makamit ang kapangyarihan.”
Kapirasong barya lang daw ay “sapat na para bigyan tayo ng pag-asa. Pag-asang kaloob ng isang munting tindera ng sampaguita sa kalsada, na magsusukli pa rin sa iyo kahit kakarampot lang ang ibinigay mo—dahil iyon ang tama.”
Tinapos ng pari ang mensahe niya sa isang hiling—sana daw “huwag tayong maligaw ng landas dahil lamang sa tatlumpung pirasong pilak na patuloy na nagpapalit-kamay magpa-hanggang ngayon.” “Alam natin,” aniya, na “matatagpuan nating muli ang ating puso, kahit sa kapirasong barya ng katapatan. Na matatagpuan natin ang ating pag-asa sa dalawang pirasong barya ng babaeng balo, dahil nakikita ng Diyos ang lahat, kahit ang kapirasong baryang isasauli sa iyo ng isang batang tindera ng sampaguita habang ikaw ay papauwi.”
Ang katotohanan ay parang kaunting barya din. Hindi nakikita ng nabubulagan ngunit naipapakita ng Diyos sa takdang panahon. Sa dulo ng kuwentong binasa natin sa ebanghelyo, may dalawang taong tagahanga ni Hesus—matagal nang nakikinig sa kanyang mga turo ngunit patago. Alam nilang katotohanan ang pahayag ni Hesus ngunit takot silang lumantad dahil siguro dumaan na rin sa palad nila kahit papaano ang tatlumpung pirasong pilak.
Sa sandaling iyon, matapos nilang masaksihan ang pagbitay kay Hesus sa krus, lumakas ang loob nila. Humarap si Jose ng Arimathea kay Pilato para humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Hesus. Gayundin si Nicodemo, na dati-rati’y sa gabi lang dumadalaw kay Hesus. Ngayon lumabas siya sa liwanag para isigaw sa mundo na alagad na rin siya ng katotohanan. Pinagpalit niya ang tatlumpung pirasong pilak ng kapangyarihan sa munting barya ng katotohanan.
DONATE TO CBCP NEWS
CBCPNews is a church-based news agency operated by the Media Office of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines. This apostolate aims at helping the work of the new evangelization through the news media. This is non-commercial and non-profit. That being the case, it totally depends on generosity of its readers and supporters.
Should you wish to donate kindly press the donate button. Thank you.