Liham Pastoral Kaugnay ng Pagsabog ng Bulkang Taal

Liham Pastoral Kaugnay ng Pagsabog ng Bulkang Taal

Evacuees at the Immaculate Conception Parish in Mataas na Kahoy, Batangas. CBCPNEWS

Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.
Roma 12:12

Minamahal kong mga kapatid sa Arsidiyosesis ng Lipa,

“Magalak…magtiyaga…manalangin.” Ito ang paanyaya sa ating mananampalataya rito sa lalawigan ng Batangan samantalang nararanasan natin ang mga epekto ng mga kaganapan simula noong nakaraang Linggo. Sa huling araw ng Kapaskuhan, ginunita natin na noong bininyagan ang ating Panginoong Hesus, ang langit ay nabuksan; bumaba ang Espiritu Santo na waring isang kalapati; at narinig ang tinig ng Amang nagsabi tungkol kay Hesus, “Ikaw ang minamahal Kong Anak na lubos Kong kinalulugdan” (Mt 3:17). Sa hapon ng parehong araw na iyon, nabuksan ang bunganga ng Bulkang Taal na nagsimulang bumuga ng makakapal na usok at lumuwa ng lupa at mga mineral; at bumaba sa mga nayon at mga bayan ang abo at putik mula sa alapaap; at narinig ang mga pagsabog at mga kulog na sinasamahan ng pagyanig ng lupa at lindol. Ang dating bulkang tahimik at kaibig-ibig ay nagdulot sa atin ng pangamba at panganib. Samantalang ramdam pa natin ang mga epekto ng mga kaganapang ito, pakinggan natin ang paanyaya sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ni San Pablo Apostol: “Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.” (Rm 12:12).

Mga kapatid, maaari tayong magalak kahit na may mga ari-arian tayong nawala at nawasak at tayo ay nagtanong, “Paano na kami?”; maaari tayong magtiyaga kahit may nararamdamang pighati at sakit at kung kaya nasasabi natin, “Aray ko”; at maaari tayong manalangin kahit may mga sandali na tayo’y nag-alinlangan at naghanap, “Nasaan ang Diyos?”. Magagawa natin ang magalak, magtiyaga at manalangin dahil sa mga katangiang TAAL na nasa atin bilang mga Katoliko ng Batangan. Ang unang titik ng salitang “Taal” ay “T” na tumutukoy sa TATAG ng ating pananampalataya sa Panginoong Diyos na kinikilala bilang bukal ng buhay at awa. Ang ikalawang titik ay “A” na para sa Abilidad o mga kakayahan at talino na kaloob sa atin ng Maykapal na ating nililinang at ginagamit hindi lamang para sa pansariling kapakanan kundi para sa kabutihan n gating kapwa. Ang ikatlo ay isa pang “A” na para naman sa ANGAS Batangueño na tumutukoy sa ating matiyagang pagsisikap at marangal na pagsisipág upang magtagumpay at muling bumangon. At ang ikaapat na titik ay “L” na para sa LINGAP o pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa na pagbabahagi natin ng mga pagpapalang tinaggap at tinatamasa.

Sa aking pag-iikot sa iba’t ibang bayan ng ating lalawigan samantalang nag-aalburuto ang Bulkang Taal, aking nakita, narinig at naramdaman na buháy sa atin ang mga katangiang TAAL. Narinig ko ang mga panalangin ng mga pusong matatag ang pananampalataya. Nakita ko ang pag-aalay ng oras at kakayahan ng marami, kasama na ang mga nanggaling sa iba’t ibang lungsod at lalawigan, upang maglingkod bilang service volunteers at ang pagbubukas ng mga kamay upang magbigay ng mga donasyon mula sa kanilang pinagsikapan, na ang halaga ay hindi batay sa laki ng ibinigay kundi sa pagmamahal na kanilang inialay. Masarap balikan ang agaran, taus-puso at masayang pagtutulungan ng mga lider at mga ahensiya ng LGU’s ng ating lalawigan at ng mga lungsod at mga bayan, maging mula sa ibang mga lugar labas ng Batangas; mga lingkod ng Simbahan, mga kapulisan at mga militar, mga kabataan na napakarami at masigasig at masayang tumulong at naglingkod, mga miyembro ng iba’t ibang civic and religious organizations, at mga pribadong kompanya at mga indibidwal. Tinugon ang pangangailangang materyal at pisikal ng evacuees (tulad ng pagkain, inumin at matutulugan); tinulungan ng Psychological First Aiders o PFA’ers mula sa Metro Manila at sa lalawigan upang maging mapayapa ang kanilang isip at kalooban; at sinamahan sila ng prayer brigades na manalangin sa Maykapal.

Taus-puso naming pinasasalamatan kayong lahat na nagpakasakit at nagmalasakit. Ang inyong ginawa ay pagyakap at paglilingkod sa mga maliliit at nangangailangan ng awa na siyang paanyaya sa atin ni Hesus sa Ebanghelyp ngayong Linggo (Mt 18:5). Hindi lamang usok at abo ang ating nakita, hindi lamang pagsabog at kulog ang ating narinig, hindi lamang paglindol ang ating naramdaman. Higit na matindi kaysa sa mga ito ang ating nakita, narinig at naramdaman: ang pagmamahal at awa ng Diyos at ang pananampalataya nating lumalago at namumunga nang lubos. Tulad ng Panginoong Hesus na umunlad sa pangangatawan, karunungan at kabutihan (basahin sa Lucas 2:40,52), ang ating pananampalataya ay hindi nanatiling sanggol kundi tunay na umuunlad at namumunga, na ating ipinagmamalaki at ipinagpapasalamat. Ang hamon sa atin ay patuloy na pagsasabuhay sa diwa ng Bayanihan sa ating kapatiran, bahaginan at pagtutulungan. Ito nga ang winika ni Papa Francisco: “This ‘art of accompaniment’ which teaches us to remove our sandals before the sacred ground of the other (cf. Ex 3:5)…must be steady and reassuring, reflecting our closeness and our compassionate gaze which also heals, liberates and encourages growth in the Christian life” (Evangelii Gaudium, no, 169).

Muli nating itinataas ang ating mga mata at ang ating puso kay Santa Maria na ating Mahal na Ina, ang Birhen ng Caysasay na lagi nating kasama at tagapagtangkilik sa ating paglalakbay, at kay San Jose na tumayong ama ni Hesus at nag-aruga nag-alaga sa Kanya. Sa tulong ng kanilang halimbawa at panalangin, patuloy nawa tayong magalak dahil sa ating pag-asa, magtiyaga sa kapighatian, at palaging manalangin. Sama-sama tayong babangon sa pagpagpala ng Diyos!

+ Lubhang Kagalang-galang Gilbert Garcera, D.D.
Arsobispo ng Lipa
19 Enero 2020, Kapistahan ng Banal na Sanggol